PAGMUMUNI-MUNI SA DYIPNI
  ni Fr. Bob Zarate

November - December 2008

MAY "GOOD MANNERS" KA BA?

Noong ika-10 ng Oktubre, 2008, nagkaroon ng isang piano concerto (pronounced as koncherto) sa Tokyo Opera City Recital Hall. Isang Pilipinong pianista na naka-base sa Berlin, Germany, ang tumugtog. Siya si Abel Galang. Ang galing-galing niya talaga! Ito ay isa sa mga pagkakataong magiging proud ka sa iyong pagka-Pilipino. Batu-bato sa langit, tamaan huwag magalit... pero dahil sa mga na-obserbahan ko sa mga Pilipinong dumalo sa concert na iyon, naisipan kong magsulat ngayon ng mga guidelines kapag tayo ay nanonood at nakikinig sa isang pampublikong lugar.

1) Dumating nang maaga. Huwag magpapa-late! Kapag nag-umpisa na ang isang concert, o di kaya ang isang pelikula, hindi ito parang sinehan sa Barrio Banaba, na puwede tayong pumasok basta-basta. Kung late ka, sayang na lang at hindi mo mapapanood o mapapakinggan nang mabuti yung mga unang bahagi ng programa.

2) Kung late ka at pinapasok ka na, huwag maglakad na parang tag-100 kilo ang bigat ng paa mo. Dahil na late ka na nga, mas may good manners ka kung gumagalaw ka nang hindi nahahalata ng iba.

3) Huwag magdaldalan kapag may kumakanta, tumutugtog o sumasayaw sa harapan. Bakit nga naman tayong mga Pinoy, nakikinig lang tayo pag anak, kaibigan o kamag-anak lang ang nasa stage? Good manners ang makinig, kaysa dumaldal.

4) Pumalakpak nang normal... hindi yung palakpak ng mga miron sa liga ng basketbol sa kalye ng Barangay 123.

5) Huwag malikot! Iwasang dumukut-dukot sa bag ng kung anu-ano, iwasang suminga o bumahing, iwasang gumalaw lalo na kung may alahas ka na kumikililing sa bawat paggalaw mo.

6) May mga lumipat sa harapan kasi hindi raw nila makita yung kamay ng pianista. Tandaan na ang music ay pinapakinggan muna! Kung may mga galaw na ginagawa sa stage, iyon ang dapat makita.

7) And of course, last but not the least,,, PATAYIN ANG MGA CELLPHONE NA YAN! Sa mga concerto ng classical music, kahit i-manner mode mo yang keitai mo naririnig pa rin ang pag-vibrate nyan sa loob ng bag mo.

Kilala ang mga Pinoy na magaling kumanta, sumayaw at sa kung ano pang instrumento. Ngunit, sana makilala rin tayo sa pagiging good mannered kung tayo naman ang manonood.

O ano, may good manners ka nga ba?

 

September-October 2008

MAYABANG KA BA?

Aminin mo na. Mayabang naman talaga tayong mga Pinoy! Dati, parang nagpapantig ang tenga ko pag naririnig ko sa mga kaibigan kong Hapon na mataas daw ang pride ng Pinoy. Pero, come to think of it, TAMA SILA!

Narito ang mga karaniwang halimbawa na nagpapatunay na mayabang nga ang Pinoy. Batu-bato sa langit, tamaan h'wag magalit!

1) Kapag malakas ang boses mo sa mga kuwentuhan o meeting; bungangera o palengkera ang dating!
2) Kapag binabara mo ang isang tao ng "INGGIT KA LANG!"
3) Kapag ang pambara mo sa isang taong pinagsasabihan ka ay, "SINO KA BA?... HA!"
4) Kapag 'di mo nililigpit ang kalat mo o kalat ng anak mo at sasabihin mong, "Bayaan mo na 'yan, MAY NAGLILINIS NAMAN DIYAN!"
5) Kapag ang ginagamit nating palusot ay ang kapansanan ng iba para sa mga lumalaban sa atin. "LABO KASI MATA NYAN!", o kaya, "EH BINGI NAMAN TALAGA YAN, EH!"
6) Kapag ang banat mo ay, "EH HINDI KA KASI NAG-ARAL sa Private School!"
7) Kapag ang pambalik mo sa mga Hapon ay tawagin silang SAKANG, SINGKIT, o WALANG FEELING; sa taga-India ay SIBUYAS, 5-6 o BOMBI; sa Intsik ay BEHO, at kung anu-ano pa.
8) Kapag lagi mong sinasama sa iyong salita ay, "KILALA KO YUNG MAYOR DÕON" o "PINSAN AKO NG CHIEF OF POLICE", o kaya "KUMAIN SA BAHAY NAMIN SI FATHER", na para bang nakapako ang kahalagahan mo sa mga taong ito.
9) Kapag alam mo namang nakakaistorbo na ang ingay mo sa mga kapitbahay o kalapit na tao at ang banat mo pa rin ay, "BAYAAN MO NGA SILA, NAGSASAYA NA NGA ANG TAO DITO, EH!"
10) Kapag ginagamit mo ang walang kupas na pambara, "TSURA MO LANG!" o "PANGIT!" kahit na alam mong ganoon ka rin naman.

O ano? Meron ka kayang ginagawa na nakalista dito? Sampu pa lang 'yan. Marami pa, for sure, na mga indikasyong mayabang talaga ang Pinoy. Minsan naiisip-isip ko, buti na lang hindi tayo yumaman katulad ng Japan kung ganitong kayabang lang ang kahihinatnan natin. Mas lalo siguro tayong isusuka ng ibang bansa.

Tandaan. Ang mga taong naging sikat sa kasaysayan ng mundo at pinahalagahan sa larangan ng edukasyon o moralidad ay pawang mga taong tanggap lang ang katotohanan. May pride din naman siguro sila. Pero sa harap ng katotohanan, nilunok nila ang pride nilang iyon.

Kaya mo 'yon? ...kung hindi... KAYANIN MO!

 

July-August 2008

Gusto mo bang mag-IMITATION KEKKON?

Kung gusto mong mag-imitation kekkon, nakakahiya ka!

Alam kong kailangan mong magkaroon ng stable visa para makapagtrabaho nang mabuti dito sa Japan. Alam kong kailangan mong magtrabaho para sa mga minamahal mo sa Pilipinas. Alam kong mahirap na ngayong makapasok sa Japan at makapagtrabaho kahit man lamang sa pagkanta o pagsayaw... kahit na pang-Barangay Canlalay lang ang iyong "feeling-professional" na dating! Alam kong hirap ang iyong pamilya... at hindi lang naman ang iyong pamilya ang hirap sa buong Pilipinas.

Pero huwag mong paglaruan ang KASAL!!!!!

Sasabihin nating hindi naman kasi ito kasal sa simbahan. Pero iyan ang pinakaunang pagkakamali sa ating! Ang KASAL ay kasal! Ginawa man ito sa simbahan, sa huwes, sa embassy, sa ilalim ng tubig, sa taas ng bundok, o kahit pa man sa liblib na kagubatan at kuweba ni Barok, ito pa rin ay KASAL!

Ang KASAL ay ang pagbubuklod ng dalawang puso na nagmamahalan, na nangangakong BUONG BUHAY nilang tutuparin ito sa kanilang pagsasamahan, kasama na rin dito ang pagkakaroon ng anak, ang pagdadala ng bagong buhay sa mundo. Ito ay laging ginagawa ng may pag-aapruba ng kanyang komunidad o ka-tribo sa pamamagitan ng kanilang "representative." Sa kasalukuyan, ang komunidad na ito ay ang ating bansa, o kaya ang ating simbahan. Kung sa tribo, ang "representative" siguro ay yung pinakamatanda. Kung sa bansa, ito iyong mayor. Kung sa simbahan ay ang pari. Kaya kung mayroong "Church Marriage," mayroon ding "Civil Marriage"... at mayroon ding "Natural Marriage," iyong pagsasama ng isang lalaki at babae na inaaprubahan ng komunidad sa pamamagitan ng kanilang "representative." Ito ang katotohan ng Kasal. Hindi ito pinaglalaruan. Hindi ito ginagamit para sa ibang pakay o layunin!

Kung gagamitin natin ang KASAL para makakuha lamang ng visa o trabaho ay para na ring pinangungulangot ang chopsticks, o di kaya'y pinanlilinis ng puwit ang isang kutsara.

Gamitin naman natin ang bawat bagay para sa tama nitong layunin. Ganoon din ang kasal. Hindi ito laruan. Hindi ito visa. Hindi ito trabaho. Ang KASAL ay Kasal!!!!!

P.S.
At para sa mga nag-ra-rason na kailangan kasi nila ng trabaho para sa kanilang mahal sa buhay, kunin nyo ang tamang trabaho, kahit pa mahirap ito. Basta huwag iyong trabahong babastusin ang dignidad mo. Huwag mong payagang maging magarbo ang iyong pamilya. Tama na iyong may desente silang bahay, tamang pagkain, malinis na pananamit, at sapat na edukasyon. Hindi naman nila kailangang maging bongga. Kung ginagamit nila ang inyong padala para sa sigarilyo, inumin, o mga luho, huwag kayong pumayag! Kung tutuusin, dahil na rin sa mga di naman kinakailangang gastusin, napapasabak tuloy tayo sa mga nakakahiyang gawainÉ katulad ng Imitation Kekkon!

 


May-June 2008

BAKIT KA BA NAGSISIMBA?

Kumpara naman sa mga matatandang pari, ako ay batang-bata pa. Ngunit sa kaunting taon na ako ay nakakapag-misa at nakakasama ang mga Pilipino, halos pare-pareho ang mga dahilan kung bakit sila nagsisimba. Ang mga sumusunod ang 5 pinaka-karaniwang dahilan nila:
1) Para makatanggap ng biyaya sa Diyos.
2) Para magpasalamat sa mga biyayang natanggap.
3) Para ipagdasal ang mga kahilingan nila.
4) Sa mga walang visa: magpasalamat sa Diyos at hindi pa sila nahuhuli.
5) Sa mga walang visa: magsimba para protektahan sila ng Diyos sa mga pulis at immigration officers.

Wala akong tutol sa mga dahilan ng mga karaniwang Pilipino kung bakit sila nagsisimba. Kung tutuusin, marami rin naman sa mga Pilipino dito sa Japan ang bumalik sa simbahan noong sila ay tumuntong sa bansang ito, na iba ang kultura, salita at pag-iisip sa mga nakagawian na natin bilang mga Pilipino.

Maganda man ang mga dahilan na ito, masasabi kong KULANG ito. Kung baga sa grade sa school, imbis na 100 ay 75 lamang! Bakit? Upang maintindihan natin nang mabuti ito, kailangan nating bumalik sa pinakaunang grupo ng Kristiyano mahigit na 2,000 taon na ang nakakaraan. Makikita natin ito sa bibliya:
"Nanatili silang matapat sa aral ng mga apostol, sa mga pagsasamahan, sa paghahati ng tinapay, at sa pananalangin. Naghari ang pitagan sa lahat ng tao; at maraming kababalaghan naman at tanda ang ginawa ng mga apostol. May iisang diwa ang lahat ng sumasampalataya at inari nilang para sa lahat ang lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at lahat ng meron sila, at pinaghati-hatian ang pinagbilhan ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Araw-araw silang nagsasama-sama nang matagal sa Templo, at sa kanilang mga tahanan din sa paghahati ng tinapay; buong galak at katapatan ng puso silang kumakain. Pinupuri nila ang Diyos at iginalang sila ng lahat, at araw-araw ay may idinadagdag ang Panginoon sa bilang ng mga naliligtas."
(Mula sa Gawa ng mga Apostol, Chapter 2, Verses 42-47; hango sa Bibliya ng Sambayanang Pilipino, Katolikong Edisyong Pastoral)

Nagsisimba (= paghahati ng tinapay) ang mga unang Kristiyano dahil mayroon silang isang komunidad na naniniwala sa Diyos. Nagsisimba sila dahil sa mahalaga sa kanila ang komunidad na sinimulan ni Hesus. Nagsisimba sila dahil sa alam nilang iyon ang bilin ni Hesus sa kanila noong Huling Hapunan Ð na ituloy ito bilang pag-aalaala sa Kanya. Ito ay isang bilin ni Hesus na ibinigay Niya sa komunidad at tinupad nila ito. Ito ang nabasa natin sa Gawa ng mga Apostol.

Kaya sana kung magsisimba tayo, huwag nating isipin ang sarili natin. Kung bibigyan natin ng importansya ang komunidad natin sa ating parokya (kasama ang ibang mga hindi Pilipino), makukuha nating hindi mahuli sa misa, o kaya'y magsuot ng damit na komportable lamang sa sarili natin at hindi sa mata ng iba. Kung bibigyan natin ng importansya ang komunidad natin sa simbahan, hindi natin kakayaning manira o mang-tsismis ng iba, o di kaya'y gumawa ng sarili nating grupo na hihiwalay sa komunidad.

Huwag tayong mapako sa pagbayad ng utang na loob natin sa Diyos. Wala namang listahan ng utang ang Diyos. At saka, pansariling dahilan na naman 'yan. Mamayani nawa sa ating puso na tayo ay nagsisimba dahil sa tayo ay nabinyagan bilang anak ng Diyos at miyembro ng Simbahan. It's the Church Community that matters! Lahat Ð bilang isang komunidad Ð ay sabay-sabay nakakatanggap ng biyaya mula sa Diyos. Kaya i-share mo ang pagpapasalamat mo sa buong komunidad. Hilingin mo rin ang tulong ng komunidad upang ipagdasal ang mga hiling mo sa Diyos. At ang komunidad na rin sana ang magbigay ng proteksyon sa mga mahihina nating kapatid. Ito ang TUNAY NA SIMBAHAN!

 

March-April 2008
ANG NANGGAGAMIT AT NAGAGAMIT NA PINOY
“In-na-in” ngayon ang paghingi ng KATOTOHANAN mula sa mga nakatataas sa gobyerno. Kung sa bagay, lantaran na kasi ang corruption at pakapalan na talaga ng mukha ang mga Pinoy kapag nasa harap sila ng makinang-kinang na salapi, komisyon, kickback at suhol!

Ngunit ang mga krisis na nangyayari ngayon sa ating bansa ay dapat ding tumawag sa atin sa kahalagahan ng KATOTOHANAN sa ating buhay. Kung corruption ang problema ng mga kababayan natin sa Pilipinas, para sa atin naman dito, ito naman siguro ang realidad – isang katotohanan -- ng GAMITAN!

Dito sa Japan, madalas kong nakikitang nag-gagamitan ang mga Pinoy sa iba’t-ibang paraan. Meron diyan ang mga nag-gagamitan ng katawan dahil sa nawalan na ng init ang mga asawa nilang Hapon, o kaya’y miss na miss nila ang asawa nila na naiwan sa Pinas. Meron naman diyan ang mga nag-gagamitan para madaling makautang kahit na hindi naman kaagad kayang bayaran. Meron diyang mga nag-gagamitan upang maging sikat at maging kilala kahit man lang sa ating Philippine communities – kaya ayan ang mga nagsasabing “kilala ko si Father Ganyan” at si “Ambassador Ganoon” o “kaya kaibigan ako ni Doctor Diyan at ni Sha-cho Doon!” Meron din namang nag-gagamitan para magmukha silang mabait at hindi masiraan ng iba. At meron din namang nag-gagamitan ng visa at pera sa pagpapanggap na mag-asawa sila sa harap ng batas – yung tinatawag nating Gizo Kekkon, o fake marriages! – kasama na rin diyan yung mga fake passports with fake visa pa!

Hindi ko pakay na mawalan tayo ng tiwala sa isa’t-isa. Sinabihan din naman ako noong dumating ako dito sa Japan na mag-ingat ako sa kapwa-Pilipino dahil sa marami daw sa kanila ang baka gumamit ng pagkakakilala nila sa akin upang sumikat, tumaas o bumait sa mata ng iba. Ngunit hindi ko ito ginawang hadlang para makipagkaibigan at makasama sila sa trabaho ko sa simbahan. Sa halip, naging mas bukas pa nga ang isipan ko sa kahalagahan ng kanilang pagkatao, sa kagandahan ng buhay at pagmamahal ng Diyos sa bawat isa sa atin. Marami rin palang Pinoy na hindi gumagamit ng iba. Marami rin palang Pinoy na hindi ako ginagamit. Kaya bakit ko naman sila gagamitin din?

Sabi nila, dalawang klase ng tao lang naman daw ang nasa mundo: ang gumagamit at ang nagpapagamit… kaya huwag daw tayong maging tanga para hindi magamit ng iba! Para sa akin, ito ay mali. Kasi, bakit nga naman tayo gagamit ng ibang tao? At bakit nga naman tayo kakagat sa udyok ng iba upang gamitin tayo, o ang ating pera, o posisyon? Kung ang Diyos nga hindi tayo ginamit upang maging maluwalhati Siya. Hindi naman Niya kailangan talaga ang ating mga dalangin. Ngunit, mahal Niya lang tayo. Yun lang. Kaya Niya tayo pinapakinggan. Pero tayo… pati ba ang Diyos nagagamit natin?

Kung tanungin ka, “Anong klaseng tao ka, nanggagamit o nagagamit?” aba’y mainsulto ka! Ang ibig sabihin kasi nito ay wala kang pag-ibig, wala kang puso, wala kang pagkatao. 

At ito ang KATOTOHANAN: Tao ka. May puso ka. May kakayahan kang isabuhay ang pag-ibig ng Diyos. 

Kung lagi lang nating isinasaisip ito, tiyak madadaig natin ang mga tao sa gobyerno – mula sa taas hanggang sa barangay!... Kawawa naman sila!



January-February 2008
The PROFESSIONAL FILIPINO
Tapos na naman ang isang taon. Kapag binabasa ko ang mga naisulat ko dito sa Jeepney Press, nagugulat ako.  Sa palagay ko'y kaya ako naimbitahang maging regular contributor dito sa Jeepney Press ay dahil sa pari ako, at baka naman mayroon akong maibibigay na ispiritwal sa mga articles ko. Ngunit kita nyo naman na hindi ganoon ang nangyari. Karamihan sa mga naisulat ko ay tungkol sa mga angal ko sa ordinaryong Pilipino. Siguro masasabi nyo na ring ikinahihiya kong Pilipino ako.

Hindi naman. Marami ring pagkakataong proud akong Pilipino ako. Hindi ko rin itinatago ang pagka-Pilipino ko.  Sa maraming pagkakataon, nahuhuli ko ang sarili kong bigay-todo sa aking ginagawa, o kaya ay ginagalingan ko ang sarili ko sa mga alam ko o kayang gawin para kapag tinanong nila kung saan ako galing ay masasabi ko kaagad na Pilipino ako. 

Ngunit marami pa tayong kailangang gawin upang maibalik ang tunay nating ipinagyayabang na pagka-Pilipino. Masyadong malaki ang ating hinihintay kung pag-uusapan lamang natin ang mga iskandalo ng pulitiko sa ating bayan mula sa itaas hanggang sa mga konsehal ng barangay. Malaki rin siguro ang ating ginugusto kung hihintayin pa nating umunlad ang ating bayan na maging kapantay ito ng Japan. 

Kalat na tayo sa buong mundo, at tayong mga nasa Japan ang isa sa mga pinakamaraming grupo ng Pilipino sa labas ng Pilipinas. Malaki ang ating magagawa upang maibalik ang ating Philippine Pride dito sa Japan. Pahintulutan ninyo akong mag-suggest sa inyo ng ilang mga paraan dala ang pakay na ito:

1) Matuto tayong makibagay sa ating kapaligiran.
Minsan out of place ang ating pagiging Pilipino. Alam naman nating masayahin tayong mga Pinoy pero kung nasa tren naman tayo o kaya ay maraming mga non-Filipinos sa paligid natin ay kaya naman natin sigurong magsalita ng mahina. 
2) Maging malinis tayo di lamang sa ating katawan.
Bakit nga naman makalat ang kapaligiran kung may pagsasama ng mga Pinoy? Di ba natin kayang iuwi ang ating sariling basura? Kita naman nating wala masyadong basurahan dito sa Japan. Sarili nating basura ang gusto nating itapon. Sa atin iyon. Hindi iyon pag-aari ng janitor. 
3) Alisin ang mga palatandaan ng Pilipinas sa mga lugar na nagpapababa sa ating dignidad bilang Pilipino.
Wala akong masamang loob sa mga Philippine pub. Trabaho nyo iyon. Dahil diyan nabubuhay ang inyong mga mahal sa buhay. Pero, alisin naman natin ang Firipin, o kung anumang lugar ng Pilipinas (katulad ng Manila o Luzon o Cebu) sa mga pangalan nito. Yung pangalan na lang ng Mama-san siguro ang ilagay. O gusto nyo ay Bulalakaw, Balun-balunan o Malikot! Alisin na rin natin ang Philippine flag diyan. Kaya tuloy isip ng mga tao dito, lahat tayong mga Pilipino ay mahihilig sa 'ano', kapit sa pantalon at pitaka ng mga Hapon at wala namang magandang maibibigay sa Japanese Society. Hindi naman totoo yon, hindi ba? Kaya dapat patunayan natin ito. Alisin nyo na ang Philippine flag at Philippine names na iyan. Onegai lang!
4) Mag-aral tayong mag-Nihonggo... nang mabuti!
Ito ay lalo na sa mga nakatira na dito. Mag-aral tayo ng Nihonggo. Kahit mula sa mga language books na nabibili natin sa bookstore, pag-aralan nating mabuti ang mga KEIGO (respectful words and expressions) sa Japanese. Minsan kasi, ang kausap na natin ay isang importanteng tao katulad ng mga teacher ng anak ninyo, pero ang Japanese natin ay pang-close-friends na hanashikata pa rin. Tandaan natin, sa Japan, ang respekto ay unang nakukuha sa salitang ginagamit natin.
5) Magdamit nang mabuti.
Bakit nga naman kung uuwi tayo ay mukha talaga tayong galing sa abroad dahil sa pananamit natin, pero kung nasa Japan tayo ay parang nakapambahay tayo lagi kahit sa labas. Hindi naman natin kailangang bumili ng mga mamahaling damit katulad ng mga feeling mayaman. Tingnan natin ang mga magazines, posters at pati na rin mga model sa chirashi. Makakakuha tayo ng tip kung paano manamit nang mabuti ayon sa ating edad, kulay at hugis. Tandaan, hindi sa komo maganda ang damit na suot mo ay bagay na iyan sa iyo!

I-career na natin ang ating pagka-Pilipino!  Let us be PROFESSIONAL FILIPINOS!

Binasa mo 'to... kaya tandaan mo 'to!

----------------------------------------------------------------

November-December 2007
KAYA MO BANG LUMUSOT?
Isang araw, pinasakay ako ng isang Pilipino sa kanyang kotse kasama ang napakaraming iba pa.  Alam nyo namang dito sa Japan ay istrikto sila sa number of people na umuupo sa isang sasakyan.  Nang sinabi ko ang aking alinlangan, sabi ng driver, "OK na 'yan, Father!  Hindi naman nakikita ng pulis, eh!  Kahit overloaded tayo sa sasakyan na ito, at least ang pupuntahan naman natin ay para sa Diyos, di ba?" ... Sa totoo lang, parang gusto ko nang lumundag mula sa sasakyan! 

Bakit nga naman ba tayong mga Pilipino, kung kayang lumusot ay pilit nating lulusot?  Ito kaya ay iyong hindi sapat na pagkatuto natin ng ekspresyon sa Inggles na "at least"? Sasabihin nating "At least di ka nabisto," o kaya, "At least walang nangyari," o minsan pa ay "At least may pag-ibig pa rin sa mundo!"  Pero ito ay "at least" lamang… ito ang pinakamababang level na kaya ng isang tao. Sa ibang salita, kaya pa naman sanang gawing mabuti, pero kasi mabilis tayong makuntento sa "at least" ay hindi na lang tayo magsusumikap. 

"At least nakarating sa Japan," kahit na hindi tama ang pangalan sa passport. "At least hindi nahuli sa immigration," kahit na dinaya na ang edad. "At least nagtatrabaho naman ako sa pamilya ko, di tulad ng mga tatamad-tamad diyan," kahit na ang trabaho ay pumapalo na sa pambabastos ng dignidad ng tao. Ilan pa bang "at least" ang masasabi natin para matakpan lamang ang kakulangan ng ating determinasyong maging mabuting Pilipino sa mundo? At siyempre, idagdag na rin natin diyan ang "Kahit mahirap ang Pinoy, at least masayahin naman kami!" na pang-consuelo de bobo natin. 

Mukhang bumibilis na ang pagkakakilala ng mundo sa Pilipino. Sumama tayo diyan.  Maging tama sana ang ating paghuhusga na ang tama ay tama at ang mali ay mali! Walang gitna. Walang "at least"-"at least!" Itigil na natin ang ating "palusot" mentality. Tandaan natin na kung sa mga basketball games natin sa kalye, ang talo ay lumulusot sa ilalim ng mga panalo!

----------------------------------------------------------------------

September-October 2007
PHILIPPINE FLAG SA O-MISE… HINDI AKO SANG-AYON!
Mahal kong kapwa-Pilipino sa o-mise,

Sang-ayon naman kayo siguro na may mga Philippine flags din kayong nakikita maliban sa Philippine Embassy o sa Consulate ng inyong lugar. Kung hindi ito nakapinta sa pader o sa signboards, ito ay totoong tela na nakasabit sa wall.  OK lang sana sa akin kung karaniwan itong tindahan ng Philippine goods o kaya Philippine restaurant ito. Ngunit karamihan sa mga lugar kung nasaan ang Philippine flag ay nasa mga so-called Philippine pubs or o-mise, sa Shinjuku man ito o sa Katsuura sa Chiba. 

"Batu-bato sa langit, tamaan huwag magalit." Malaki ang paghanga ko sa tiyaga ng pagtatrabaho mo. Saludo ako sa hirap na dinaranas mo sa araw-araw - o gabi-gabi pa nga, di ba? - na pagtatrabaho para sa pamilya sa Pilipinas. Ngunit para sa akin DAPAT WALANG PHILIPPINE FLAG DIYAN.  DAPAT WALA RING "Firipin" SA SIGNBOARD ng mga "o-mise" na ito. Bakit? Sapagkat ang bandila ang siyang simbolo ng ating bansa, at Pilipinas (o Firipin man) ang tawag sa bayan natin! Hindi ito pang-o-mise. Hindi ito para sa mga lugar na dinadayo ng mga Hapon para malasing at "manantsing". Hindi ito para sa mga lugar ng mga taong gustong ma-re-charge ang kanilang enerhiyang sekswal. Tawagin nyo na akong malisyoso... pero kung may alak, kung madilim ang lugar, kung ang showcase ng isang o-mise ay mga babae (na mga tao rin!) at paiklian, paseksihan o paliitan sa damit, hindi iyan Pilipinas! 

Marahil ang dahilan sa paglagay ng mga Philippine flags, o ipangalan itong Firipin pub o kahit na Manila, Cebu, Luzon ay para sabihin sa mga taong gustong mag-unwind na Pilipino ang mga babaeng (o lalaking) nasa loob. At proud din naman akong marinig na iba raw kasing mag-entertain ang Pinoy. Pero iba kasi ang edukasyong ibinibigay natin sa mga kabataang Hapon. Para sa kanila tuloy, kapag sinabi mong Philippines o Firipin, ito ang lugar ng mga hindi makapigil kumapit sa mga Hapon. O iniisip nilang, "Ito ang lugar para makapag-uwaki (magloko) ang tatay ko!" O kaya'y iisipin din ng ordinaryong lalaking Hapon, "Ito ang lugar para "maglaro", kahit walang pag-ibig!" Kaya hindi rin kagulat-gulat na maraming anak ng Pilipina ang nahihiyang sabihin sa mga classmates nilang Pilipina ang nanay nila, kahit na hindi naman siya nakapagtrabaho sa o-mise, kasi alam nilang lolokohin at mamasamain lang sila ng mga kaklase nilang Hapon.

Sabihin na nating problema na ng mga Hapon yan. Pero hindi sila magkakaproblema kung iniba na lang sana natin ang mga pangalan ng ating mga o-mise.  May mga ibang o-mise ng Pilipino na Enjoy, o Babes ang pangalan. Mayroon pa ngang "PhasaWay". Sa pangalan pa lang alam mo nang hindi Hapon ang nandito. At since mabilis ang salimbibig at sali-salita ng mga Hapon tungkol sa mga recommended nilang hang-out, bars, izakaya o o-mise, siguradong may pupunta diyan. 

Kung gusto nating itaas ang image ng Pilipinas dito sa Japan, magsikap tayo at magsama-sama. Ang dami na ngang bad news mula sa Pilipinas na nakakarating dito sa Japan - ang corruption, ang Abu Sayyaf, mga NPA, baha, basura, maruming hangin, bad manners sa kalsada, magulong airport - tapos dadagdagan pa natin ito ng image na ang mga Pilipino ay experts sa larangan ng pang-a-aliw kahit na iyung taliwas sa ating pagkatao. 

Sana naman ay naiintindihan mo ang hangarin kong hindi lamang tumaas ang iyong kinikita, kundi na rin ang iyong karangalan at dignidad. 


Nagmamahal,
fr. Bob

P.S. Kung pinapayagan mo na bastusin ka ng mga o-kyaku-san dyan sa o-mise nyo, eh, mabuti na ring tanggalin nyo na lang yung Sto. Nino na nakalagay dyan.  
---------------------------------------------------------------------

July-August 2007 Issue
TAMA NA
ANG DRAMA!
Tapos na ang eleksyon. Na-proklama na ang 11 na senador.  Isa na lang ang hinihintay.  At ang nakakakuha ng ating interes ay ang majority ng mga nahalal na senador ay galing sa oposisyon. Sa palagay ko, pinabayaan sila ng gobyerno na manalo upang ipakita sa madla na hindi nandaya ang administrasyon sa eleksyon.  Kita naman siguro natin sa mga Filipino channels sa cable-TV kung paano umangal ang oposisyon sa mga lugar na hindi sila nanalo. Banat kaagad nila na dinadaya sila.  Well, sino ba ang hindi nandaraya sa eleksyon sa Pilipinas? 

Nakakalungkot man isipin, burak na talaga ang pulitiko sa ‘Pinas. Kung marumi na sa ibang bansa, kahit sa Japan, ang pulitiko sa Pilipinas ay burak na burak na. Isipin mo man ang nagpakamatay na Agriculture Minister na si Matsuoka-san noong Mayo, matatawa ka na lang sa joke ng mga Pilipino na baka raw kung gayon din ang gagawin ng mga pulitiko sa 'Pinas ay baka maubos ang mga politicians sa ating bansa!' At habang matatawa ka sa joke na ito… matatakot ka rin.

Pari ako at hindi ako dapat makialam sa pulitiko, ika nga ng maraming nagsasabi. Ngunit bakit ayaw nila akong makialam? Dahil lang ba sa malakas ang dating kung pari ang magsasalita? Dahil lang ba kailangan na lang akong tumahimik para matuloy nila ang mga kalokohan nila? Dahil lang ba nakokonsyensya sila? At di ba’t Pilipino rin ako na may karapatang umangal sa mga di kanais-nais na ginagawa ng kakaunting may kapangyarihan? 

Kung tutuusin, kung magkakaisa lamang tayong mga Pilipino dito sa Japan, madali nating maipapadala ang mga angal na ating idinadaing tungkol sa ating mga naiwang mahal sa buhay sa ‘Pinas. Hindi ba’t sila ang nagsasabing mahal ang bilihin? Hindi ba’t sila ang nagsasabing hindi nila mapa-ospital ang isang kamag-anak? Hindi ba’t sila rin ang dumadaing na lalo lang silang humihirap?  … At hayun, tuloy pa rin tayo sa pagpapadala kasi hindi natin sila matiis.  … At hayun, dahil alam ng mga abusadong pulitiko sa ‘Pinas na nagpapadala naman kasi tayo sa ating kamag-anak, ay tuloy nilang kinukurakot ang kaban ng bayan. 

Kawawa na nga tayo sa pagtrato sa atin bilang banyaga sa ibang bansa, kawawa pa rin tayo dahil sa abuso ng iilang nanunungkulan na kababayan pa natin.  Buong buhay na lang ba tayong magpapaapi, na parang bida sa isang drama o pelikula?  Puwede ba… itigil na yang dramang iyan!
-------------------------------------------------------------------------
May-June 2007

Nagpadala ka na ba ng Pang-enrol at Pang-tuition?

Edukasyon. Importante ito. 
Alam ng lahat na mahalaga ang edukasyon.

Madalas na nating naririnig na ang edukasyon daw sa Pilipinas ay nasa isang
napakalaking krisis. Kung ikukumpara natin ito sa mga katabing bansa ng
Pilipinas, totoo nga ang sinasabi nila. Pinagyayabang nating tayo lang sa Asya ang
magaling mag-Ingles, pero dahil sa walang lugar na nasyonalismo ng
ibang dalubhasa, iniuna natin ang ating pambansang wika sa ating paaralan. Kaya
kahit dito sa Japan, nagugulat sila na hindi naman totoong deretso tayong mag-Ingles. Huli na tayo sa larangan ng Math, Science at pati na rin sa Computer, kahit na sabihin pa nating maraming nakukuhang Pilipino sa mga IT companies kahit dito sa Japan.  At siyempre, idagdag na natin ang GMRC (Good Manners and Right Conduct) na kitang-kita namang hindi naituturo nang seryoso sa ating mga paaralan. Kaya, ayun, kung makipagusap tayo sa isa't-isa ay para tayong nagsisigawan at hindi natin kayang maging malinis sa mga ginamit nating lugar... kasama na rin diyan ang mga public toilet.

Edukasyon. Hindi lamang ito ang pagpunta sa eskuwelahan. Hindi lamang ito ang pagpapaaral ng isang bata. Ito ay ang paghubog ng buong pagkatao ng isang bata. Hindi lang ito kaalaman. Hindi lang ito puro laro.  Hindi lang ito puro project. Hindi lang ito puro sosyalan, school fair at recess.  Ang Edukasyon ay ang paghubog sa isang bata upang siya ay magkaroon ng takot sa Diyos, paggalang sa sarili, paggalang sa iba, paggalang sa katotohanan, hustisya at karunungan. 

Ang ipinapadala ninyong pera para sa inyong mga mahal sa buhay sa Pilipinas ay siguradong ginagamit din para sa edukasyon ng inyong anak o ng iba pa ninyong kamag-anak. Siguraduhin sana natin na ang mga paaralang pinapasukan ng mga batang ito ay tunay na humuhubog sa BUONG PAGKATAO nila.  Siguraduhin nating natututo sila, nagiging magalang, mabubuting mamamayan at may pakiramay sa lahat. 

Magsisimula na naman ang school year sa Pilipinas.  Papasok na naman sila sa eskuwela... dahil na rin sa mga ipinapadala nating pera. Ngunit huwag lang tayong magpadala ng pera.  Siguraduhin din nating hindi nagagamit ito nang lubusan... hindi sa pag-aaral... kundi sa EDUKASYON!


March-April 2007

NAHIHIYA AKONG MAGING PILIPINO

Oo. Nahihiya akong maging Pilipino tuwing sasapit ang eleksyon. Sa mga panahong ito kasi nakikita ang totoong kulay ng kasalukuyang Pilipino. 

Naandyan ang mga tradisyunal na pulitiko na kay bait-bait tuwing sasapit ang pangangampanya. Akala mo ay nakakakita ka ng drama ni Andres Bonifacio o ni Jose Rizal kung magsalita. Akala mo ay mas magaling silang magbigay ng speech kaysa kay Ninoy Aquino. Pero kapag na-boto naman ay balik sa dating gawi: magpakita ng mukha sa TV, diyaryo at pati na rin sa mga signboards ng mga dapat ipinapagawang daan o tulay, siya man ang nakaupong pinuno o hindi.

Naandyan naman ang mga botanteng Pilipino na wala nang hinintay kundi ang mabigyan ng Jollibee at may kasama pang 500 daang piso, basta isigaw lang niya ang pangalan ng nangangampanya, tumawa sa kanyang corny jokes, o di kaya tumili sa kanta ng kasama niyang artista.

Naandyan naman ang mga saksakan ng utang na loob… na kahit alam niyang kurakot o hindi maganda ang reputasyon ng kandidato ay sige pa rin sa pagboto kasi natulungan daw, kamag-anak daw o di kaya’y nasabihang maganda siya.

Hindi ko rin masisisi ang
kasalukuyang Pilipino.
Sa dinaanan na paghihirap,
paglulupig at karahasan sa kasaysayan
ng bansa ay talagang mawawala ang
prinsipyo at talino nito.
Ano pa ba ang maipagmamalaki
natin sa mundo?
Beauty queen na lang ba?
Singer o dancer na may lahing Pinoy?
Hindi naman natin
maipagmamalaki ang ating karumihan
sa tuwing gagamit tayo ng park o
hotel kahit dito sa Japan.

Maipagmamalaki ba natin yung mga
feeling mayaman (… o nagpayaman
ba?) na mga pulitiko at artista?
 
Boom-tarat-tarat na lang ba
ang maipagmamalaki natin?

Iyung “Masayahin kami, akarui at
friendly!” na linya natin ay pang
consuelo-de-bobo na lang ba? 

Hay naku!
Ang hirap maging Pilipino
kapag eleksyon na naman, di ba?
 
Ang hirap talaga!...

… Magpari na lang kaya ako!

November-December 2006 Issue

TAO KA BA?
Ako ay TAO!
Hindi mo ba alam ‘yon?
Oo, ako ay TAO. 
May pag-iisip na ngayo’y nagmumuni-muni
tungkol sa aking sarili, sa aking nakaraan,
sa mga nangyayari ngayon,
sa mga pinaplano ko sa darating na mga araw. 
Ako ay taong nag-aalala sa mga mahal ko sa buhay,
sa mga taong may karamdaman
o nasa bingit ng problema. 
Ako ay taong nakakaramdam ng tuwa,
ng takot, lungkot, galit at pighati. 
Nagugutom din ako sa tuwing walang laman ang aking tiyan,
o di kaya’y nasisira sa tuwing nasosobrahan sa kain. 
Ako ay taong bumibigat ang timbang sa tuwing wala akong ehersisyo
kahit na tuloy pa rin ang pagkain… kahit bago matulog! 
Pumapayat din ako sa tuluy-tuloy na pagpupuyat o
kapag nalipasan ng gutom.
Ako ay taong may kakulangan sa kaalaman,
kaya’t kailangang mag-aral, o di kaya’ y mag-ensayo,
upang lalong gumaling sa anumang gusto kong gawin. 
Marunong akong makinig at magsalita, manuod at tumingin,
magmasid at ngayo’y magmuni-muni. 
Ako ay taong kailangang magsuot ng makakapal na damit
sa tuwing lumalamig.  At kapag nilamig ng todo,
ako rin ay sinisipon, inuubo at nagkakasakit.
Kailangan ko ring maglinis ng katawan…
at kung hindi ako ay nagkakabalakubak,
nangangati sa kung saan-saan, at namamaho pa!
Ako ay taong may pangarap, at may kakulitang makamit
kung ano man ang pangarap na ito.
Ako ay taong may mga kaibigan at mga taong
may kasama sa buhay.
Marunong akong magmahal, ibigay ang sarili sa iba,
magsakripisyo, magtiis, magpawis o magpagod
dahil sa kanyang minamahal at pinahahalagahan.

Mayroon ding isa
na naging katulad kong TAO. 
Siya ay isang TAONG maisasabi rin
kung ano man ang naisulat ko dito.
Siya ang DIYOS na nagkatawang-TAO,
si Hesus … taong katulad ko…
taong katulad mo.
May isang Diyos na pinahalagahan
ang ating pagkatao.
Ikaw… pinahahalagahan mo rin ba
ang sarili mo?


MAKALAT KA BA? 
(September-October 2006)
Nang una kong maranasan ang aki (autumn) dito sa Japan, biglaan kong naging pinakapaboritong panahon ito.  Bukod sa kagandahang dala ng dilaw, pula, orange at iba pang kulay ng iba’t-ibang dahon, masarap ding maglakad sa ibabaw ng mga dahong nag-ipon sa lupa at unti-unting natutuyo.  Ang tunog niya ay tunay na aki!  At ang mga dahon ay parang nagiging kumot sa lupang papasok sa tag-lamig. 

Ngunit, siyempre, kahit na masarap mang maglakad sa ibabaw ng mga dahong ito, dumarating ang araw na may maghahakot nito at itatapon din.  Mula sa kagandahang taglay nito dati, kahit na natural na dahon lang ito, nagiging kalat na lang ito.

Bilang mga Pilipino, may isang bagay na ibinibintang sa atin… MAKALAT DAW TAYO!  Wala tayong pakialam kung may mga basurang nakakalat sa ating kapaligiran.  Wala tayong pakialam kung may nahuhulog tayong papel, candy wrapper o plastic bag.  Sa Pilipinas, naglipana ang mga basurahan, pero marami pa ring kalat sa daan.  Sa ibang bansa, kapag Pilipino daw ang gumamit ng comfort room (ma-babae man o ma-lalaki) tiyak pag-alis niya doon, marumi na yon.

Noong isang taon, nagkaroon ng malaking pagdiriwang ang mga Pilipino sa isang lugar sa Tokyo.  Pati mga artista mula sa Pilipinas, dumating din.  Maraming tao.  Masikip… at madumi!  Nang matapos na ang selebrasyon, nagkalat ang mga tissue paper sa comfort room.  May mga hindi pa nag-flush!  Nagkalat ang mga tickets, magazines, dyaryo, promo papers at kung anu-ano pa.  Ang malala pa noon, ang kalat ay mula sa lugar na iyon hanggang sa pinakamalapit nitong eki (train station).  Sa mga nagkalat na papel, alam na alam mong mga walang pakialam na Pilipino ang nagkalat doon… eh, wala ka naman kasing makikitang Japanese characters sa mga papel na iyon!

Bakit kaya ganyan tayo?  Ito kaya ay dulot ng ating amo-at-katulong relationship?  Baka naman kasi iniisip natin na mayroon namang iba na maglilinis niyan kaya tuluyan na tayong nawawalan ng pakialam.  Ipinagyayabang nating malinis tayo, naliligo araw-araw at mabango kaysa sa mga Hapon.  Ipinagyayabang nating hindi tayo makalabas nang hindi nakapag-shower, nakaplantsa ang damit, nakaayos ang buhok, at nakapag-toothbrush.  Pero pagdating sa basura, lumalabas ang ating natitirang karumihan!

Pero kung iisipin din, nangyayari lang naman ito kung magkakasama ang mga Pilipino.  Sa ating pang-araw-araw na buhay kasama ang mga Hapon, maingat naman tayo sa pagbubukod ng mga basura at sa tamang pagtapon nito.  Kung kaya nating gawin ito kung kapiling ang mga Hapon, bakit hindi natin kaya ito kung tayo-tayo lang?  Ito kaya ay isang indikasyong wala tayong pakialam sa isa’t isa?

Sa tuwing maglalakad ka sa ibabaw ng mga bumagsak na dahon sa panahon ng aki, alalahanin nating muli na hindi ito magtatagal, at may maghahakot din niyan upang itapon… magiging basura din yan!  Kailangan tayong mag-ingat at baka nagiging normal na sa atin na may basura sa ating kapaligiran tulad ng mga bumagsak na dahon ng aki na wala namang naghahakot.  Tandaan: ang pagkakalat ng basura ay isang senyales ng nagkakalat na utak at pakalat-kalat na kabuhayan. 

O ano?  Makalat ka ba?



YOU ARE WHAT YOU WEAR (July-August 2006 Issue)

      
Ang init ano? 

       Sa ganitong init na dulot ng SUMMER, mas lalo akong napapaisip kung
ano ba talaga ang dapat kong suutin sa tuwing ako may lakad.  Puwede ka
ngang mag-short sleeves pero sa tindi ng init ng araw sa panahon ngayon
ay kailangan ding mag-ingat sa skin cancer.  Puwede ka ngang mag-shades
at mag-cap para hindi masilaw at mangitim ang iyong mukha pero
magmumukha ka namang ayashii (kaduda-duda)… baka may mag-report
pa sa iyo sa pulis nang di oras!  Puwede ka namang mag-shorts na lamang
ngunit ang susunod na tanong diyan ay kung mayroon ka namang
karapatang mag-shorts!  Marami sigurong Pilipino ang sasagot ng ganito,
“Eh ano bang pakialam nila!  Ako naman ang may suot ng damit na ito! 
Susuutin ko kung ano ang gusto ko!... Hmmp!  Inggit lang sila!”

       Oo.  Inggit nga ako… at masyado kasing malakas ang loob mo! 

       Sa tuwing tayo ay lalabas ng ating tirahan para pumunta lamang kahit
sa ating kapitbahay o sa pinakamalapit na convenience store, isang bagay
lamang ang dapat nating tandaan: YOU ARE WHAT YOU WEAR.  Malalaman
ng mga tao sa paligid ang pagkatao mo sa pamamagitan lamang ng
iyong pananamit.  Isa itong bagay na natutunan ko sa aking pamilya,
lalo na sa aking ina.  Lagi niyang sinasabi na kung gusto mong makakuha
ng respeto mula sa ibang tao, magdamit ka nang maayos.  At kapag sinabi
nating maayos, ito iyong hindi naman magarbo, hindi naman sobrang
simple, ngunit bagay at magandang tingnan sa iyo. 

       Ano ba ang mga isinusuot mong damit ngayon, lalo na’t summer na? 
Feeling mo ba na medyo binabastos ka ng ibang tao?  Feeling mo ba na
mababa ang tingin sa iyo ng mga Hapon sa paligid mo?  Baka naman
kasi over-revealing ang suot mo?  Baka naman kasi baduy ang coordination
mo?  Baka naman hindi talaga bagay sa iyo ang suot mo!

       Huwag daanin sa pagpapabaya.  Huwag ding daanin sa hiya. 
Tanungin mo ang iyong mga kaibigan kung ayos naman bang tingnan
sa iyo ang suot mo.  At kung ikaw naman ay tanungin, huwag ka nang
mambola pa.  Sabihin kung hindi talaga bagay o baduy ang coordination
ng iyong kaibigan.  Sabihin mo kung malaswa na ang dating o hindi na
kasya o tugma sa edad ang kanyang kasuotan.

       Tandaan: marami sa ating mga Pilipino dito sa Japan ang gumagawa
ng mga trabahong mababa sa tingin ng mga Hapon.  Kung respeto muna
ang ating hahanapin mula sa kanila, unahin natin ito sa ating pananamit. 


ANO ANG MAIBABAYAD MO? (March-April Issue)
Nakakabighaning tingnan ang mga sakura ano?  At dagdagan mo pa
ng pagkadami-daming mga bulaklak na nagsisimulang mamukadkad
sa pagsapit ng haru (spring).  Ito ang ganda ng haru.  Ito na siguro
ang pinakamagandang panahon sa isang taon kung kailan madaling
purihin ang Panginoon dahil sa kalikasang ibinigay Niya para sa atin. 
Ang ganda-ganda ng haru... lalo na kung wala kang kafunsho
(hay fever)! 

Oo, may kafunsho ako sa tuwing sasapit ang haru. Ramdam ko na iyan. 
Ang hirap. Kumakati na ang aking ilong. Sumasakit ang lalamunan. 
Nagluluha ang mata. Walang tigil na sunud-sunod na
pagbahing. Parang may lagnat na wala. Ngunit ito ang nagpapaalala
sa akin ng isang katotohanan ng buhay: ang lahat ng bagay ay
may kabayaran.

Ang lahat ng bagay sa mundo ay may kabayaran.  Kailangan ng patay
at malamig na fuyu (winter) para magkaroon ng isang magandang
haru.  Kailangang magdusa muna ng kafunsho bago mag-enjoy sa
isang koen (park) na puno ng sakura.  Kailangang pumila kahit matagal
at mahaba para makapasok sa Disneyland.  Kailangang mag-ipon ng
pera para makabili ng gustong bagay.  At ang mga nanay, hindi ba
dumadaan sila sa isang napakasakit na panganganak bago magdala
ng isang buhay sa mundo?   Lahat ng bagay ay may kabayaran. 
Kung pati ang ating kaligtasan ay naidulot dahil sa kabayaran ng
sarili ng Anak ng Diyos! 

Ano ba ang gusto mong mangyari sa buhay mo?  Ano ba ang lagi
mong hinihiling para sa sarili mo?  At para makuha mo ito, ano ang
kailangan mong alisin sa sarili mo bilang kabayaran sa hinihiling mo?  
Nawa'y ang kagandahan na dala ng haru ang magpaalala sa iyo na
mga bagay na ito.


January-February 2006 Issue
NASIRA NA BA ANG ULO MO SA PAG-IBIG?
Maraming nagsasabi na kapag ikaw daw ay na-in love, halos mabaliw ka raw sa pag-ibig?  Hindi na raw makatulog.  Hindi na rin daw makakain.  At kung anu-ano pang mga taghiyawat ang lumalabas sa mukha (… eh kasi hindi nga makatulog!).  Nababaliw.  Nawawala sa sarili. Tulala. Wala nang nasa isipan kundi ang taong nakabingwit ng kanyang puso.  Naging ganoon ka ba?  Kung naging ganoon ka, delikado ka! 

Ang pag-ibig ay isa na siguro sa mga misteryosong bagay na bumabalot sa mundo.  Masyado kasing misteryoso kaya mayroon siyang iba’t-ibang interpretasyon.  Sa pelikula, ang pag-ibig ay iyung unang nagkita lamang sa disco o sa bar, nagkau-sapan, hinatid sa tinitirhan… tapos may nangyari na!   Sa eskwelahan, ang pag-ibig ay iyung natipuhan, nakasama sa klase or school club, naging magkasama na lagi… tapos  mabubuntis! 

Ano nga ba talaga ang pag-ibig?

Kung kailangan natin ng modelo ng pag-ibig, tumingin tayo sa Diyos.  Nasa Kanya na ang lahat ngunit binigyan pa rin Niya tayo ng pansin.  Hindi na Niya tayo kailangan pa ngunit naging tao Siya at nakipamayan sa atin.  Wala na dapat Siyang pakialam sa atin ngunit inabot Niya ang Kanyang kamay sa mga mahihirap, maysakit, mga mahina at makasalanan ng lipunan.  Sa Kanya naman talaga ang langit ngunit ibinigay Niya ang Kanyang Sarili sa krus at nabuhay na mag-uli upang tayo naman ang makapasok sa langit.  Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi puro utak, hindi puro puso, hindi puro bigay.  Ang pag-ibig ng Diyos ay balanse.  May paggalang.  May kalayaan.  Hindi possessive.  Hindi obsessive.  Hindi diktador. 

Nasira na ba ang ulo mo sa pag-ibig?  Kung nasira na, kailangan mo ng gabay ng Diyos ng Tunay na Pag-ibig… ang Diyos na Pag-ibig!

ISSUE: November-December 2005

KASING-GANDA KA BA NG YUKI?

Nandito na naman ang tag-lamig! 

Sa tuwing sasapit ang tag-lamig marahil ay marami na namang natutuwa sa ating mga Pilipino, lalo na’t hindi tayo lumaki sa isang bansang may yuki (snow).  Marami tayong masasabi tungkol sa yuki at isa itong magandang bagay upang makapagmuni-muni tungkol sa ating sarili at sa ating buhay.  Bago sa lahat, suriin muna natin ang yuki.

Ang yuki.  Hindi ba’t kay gandang tingnan?  Hindi ba’t may dala siyang misteryo?  Kay gaan-gaan tingnan habang ito ay nahuhulog mula sa langit, ngunit ang bigat-bigat na kapag ito ay nasa lupa. 

Ang yuki.  Kay puti-puting tingnan sa bagong hulog nito.  Para bang ang sarap-sarap lakaran, takbuhan at paglaruan ito.  Gumagawa tayo ng mga yuki daruma o kaya maliliit na bolang ginagamit natin sa simpleng batuhan.  Ang tunog nito kapag ito’y natatapakan ay tila musika kung ikukumpara sa tunog ng nababaling sanga.  Ngunit pagdaan ng isang araw ano na ang yuki?  Putik sa daan.  Basa, madulas at delikado sa mga dumadaan.  Nagiging yelo na sing tigas ng bato na kahit kotse ay masisira sa pagbangga nito. 

Ang yuki.  Magandang tingnan.  Magandang panoorin.  May katahimikang taglay.  Ngunit kapag matapos nang mahulog ang yuki, manginginig ka sa lamig na ayaw mo na tuloy lumabas upang mamasyal. 

Huwag sana tayong maging yuki sa ating buhay.  Kung mayroon tayong naumpisahan nang maganda, kahit magsawa tayo paminsan-minsan, tuloy-tuloy nating gawin ito.  Maging deretso nawa tayo sa ating pakikitungo sa iba, at hindi may magaang ngiti sa labas ngunit may pusong bato sa loob.  May taong maganda, pero tsumetai. Lagi sana nating hanapin ang init ng pag-ibig sa bawat puso ng tao, kahit hindi siya maganda. 

Maganda ang yuki, ngunit ang kagandahan nito ay hindi nagtatagal.  Hindi sana mangyari ito sa ating mga puso. 

-------------------------------------------------------------------------------
ISSUE: September-October 2005

MATANDA KA NA BA?

Ilang beses ko na sigurong nasabi sa inyo na gusto ko talaga ng AKI
(autumn).  Natutuwa kasi ako sa iba’t-ibang kulay ng mga dahon na
unti-unting natutuyo bago mag-FUYU (winter).  Ngunit ilang beses na
rin akong nasabihan ng iba na ang mahilig daw sa AKI ay “super senti”
(super sentimental) dahil ang mensaheng dala ng kapanahunang ito ay
ang pagtanda … kung baga ang mga huling sandali ng isang tao sa
mundong ito.

Ano ba ang masama sa pagtanda?  Lahat naman ng tao, halaman at
hayop ay kailangang tumanda.  Lahat naman ng mga bagay ay nagluluma. 
Kung mamasamain lang natin ang pagtanda, para na rin nating minasama
ang ating mga sarili.  Ito ang landas na dapat tahakin ng lahat.  Ang
mga salitang “oldies”, “gurang”, “rayuma queen”, “laos na” at iba pa ay
pawang mga pagpapakita na minamaliit natin ang isang bagay sa kalikasan
na, kung tutuusin, ay may taglay na ganda.

Ilang taon ka na ba?  Tumatanda ka na ba?  Dumadami na ba ang puting
buhok?  Hinihingal ka na ba kahit sa hagdan ng eki?  Napapaaga na ba ang
iyong gising sa umaga?  Nawawala na ba ang iyong ipinagyayabang na hugis
ng katawan?  Nawawala na ba ang iyong kasabikan sa ice cream, cake,
roller coaster at ferris wheel?  Naiinis ka na ba sa mga sayaw ng mga
batang artista at madalas mo bang maalala ang mga artista ng
kapanahunan mo?  Nahuhuli mo ba ang iyong sariling laging tumitingin
sa mga photo album?

Ito ay mga senyales ng iyong pagtanda.  Don’t panic!  Huwag ka nang
mag-alala kung kailangan mo nang iwanan ang mga pambatang fashion
na iyan.  Huwag ka nang mag-alala kung wala kang perang pambili ng
tina sa buhok, wig, o pambayad sa plastic surgery.  Hayaan mong mawalan
ka ng korte kaysa namang manghina ka dahil sa kaka-diet. 
Tandaan mo, sa panahong ito, ikaw ay para ding AKI, may taglay na
gandang hindi kayang tapatan ng HARU (spring) o ng NATSU (summer). 
Mayroon kang mga kahanga-hangang katangian na wala sa mga bata. 
Mayroon kang kulay na makagagalak lamang sa mga may puso. 

Ikaw ay tumatanda… ito ay pinagyayabang!